Voting Wisely 101

May 15th, 2007 by aling-kamote

I have been keeping an eye on the GMA election coverage since this morning. Came dinner time, I was still watching GMA. And no I am not a kapuso loyalist, I just prefer watching news in tagalog. ANC does their coverage in English. Booooo! :P

I was ecstatic to tell my brother that my crush, Chiz Escudero is currently at the 1 to 2 spot. He happily exclaimed:

"Iboboto ko yang si Escudero kasi maganda yung Villa Escudero."

And he was dead serious about it. He added,

"Diba?"

Im just glad he isnt a voter yet.

RP, MOST CORRUPT IN ASIA AYON SA PERC

March 14th, 2007 by aling-kamote

         Wow, number one na naman tayo! Pero hindi sa beauty pageant at hindi rin sa boksing kundi sa corruption.

         Sa pagkakaalam ko, nitong dalawang dekadang nakaraan, nasa ika-apat na pwesto ang Pilipinas bilang pinaka-corrupt na bansa sa Asya. Pumapangalawa noon ang Indonesia habang ang Tsina yata ang pinaka-corrupt.

        Pero ngayon, tila napagiiwanan na tayo ng mga kapitbahay natin sa Asya. Ayon sa latest report ng Hong kong-based Political and Economic Risk Consultancy (PERC), ang Pilipinas na ang nangungunang bansa pagdating sa corruption. Pumapangalawa and Thailand, pangatlo and Indonesia samantalang ang least corrupt ay ang Singapore.

          Sa scale na 1 to 10, 1 bilang least corrupt at 10 bilang most corrupt, nakakuha ang Pilipinas ng score na 9.40. Pero nitong huling limang taon, Indonesia ang naitalang pinaka-corrupt na bansa sa Asya. Kung tutuusin, dapat sana Thailand ang nasa numero unong pwesto ngayon. Limpak-limak na salapi ang nakulimbat ni dating Prime Minister Thaksin Shinawatra bago ito nagtago sa Estados Unidos. Balita pang umiiwas sa pagbabayad ng buwis ang pamilya nito. At dahil nasa ilalim pa rin ng military rule ang Thailand, nakakabawas ito sa atraksyon ng mga investors sa kanilang bansa.

        Napanuod ko lang ang tungkol dito habang nagluluto ako ng sinigang sa kusina. Tinawag ako ng tatay ko para mapanuod ang balita. Tinanong ng mga reporters si Gloria Macapal Arroyo ukol sa kaniyang reaksyon. At wika niya,

“These are based on old data.”

        Aba oo nga naman, may point si Gloria. Baka based ang data nila noong panahon ni Marcos.

        Pero eksahersyon na iyon. For the sake of argument, let us grant that PERC based their report on old data. Perhaps they based their data one, two, or months before the study was conducted. Pero during those time, sino ba ang presidente natin?

        At kung luma nga ang data na kinuhanan nila, dapat pa nga siyang magpasalamat. Kung current data ang binasehan nila, baka lalung ma-obvious ang corruption dahil kapanahunan ngayon ng kampanya.

         Dagdag pa niya. "They want to put the poor down. They are driving away investors."

         If you want to uplift the spirit of the masses, do we hide the aching reality of poverty and feed them with lies? Mahirap yata paniwalaan ang hindi mo nakikita at nararamdaman.

         Noong 2006, 52% ng ating populasyan ay nakasadlak sa kahirapan (SWS Self-Rated Poverty survey). Higit pa iyan sa kalahati ng ating populasyon. Hindi mo naman kailangang maging eksperto sa ekonomiya gaya ng marami nating politiko dahil ang katotohan sa ating ekonomiya ay nakalantad sa estado ng ating lipunan.

          At ikalawa, kung mayroon mang nagtaboy sa mga potential investors natin, hindi iyon ang PERC at lalung hindi ang mga militanteng grupo kundi ang corruption sa bansa.

        And with all confidence, she ended her statement, "At saka they based their data on newspapers."

        Malamang. Do you expect PERC to get data from a the most corrupt government in Asia?

YAKAP SA DILIM

March 4th, 2007 by aling-kamote

Lagi ko bine-burn ng cd ang tatay ko. Basta may nauso na kanta diyan sa Pinas, hinahanap ko kaagad sa limewire. Ganiyan yata talaga pag homesick ka. Kahit medyo bakya, basta galing Pinas, hinahanap-hanap mo agad.

Bakit ganoon, kapag malapit ka sa tao, bagay, o lugar na mahal mo, at saka mo ito nadedevalue. Pero, kapag nawala na ang mga ito, at saka mo lang marerealize kung gaano ito kahalaga sa iyo.

Anyway, balik tayo sa kwento ng tatay ko.

Na-aapreciate ng tatay ko yung mga current mainstream OPM bands gaya ng Sugarfree, Kamikazee, Brownman Revival atbp. Pag papasok siya ng trabaho, iyan ang mga pinapakinggan niya. Minsan nga, natiyempuhan ko pa siyang naghehead bang habang nakikinig sa Kamikazee. Ewan ko ba diyan sa tatay ko. Nakakalbo na bagets pa rin.

Isang linggo ng umaga, papunta kami sa simbahan ng buong pamilya ng pinatugtog niya ang kantang "Yakap sa Dilim" ng Orange and Lemons. Habang nakikisabay si papa sa kanta, biglang sumigaw ang nanay ko,

"Ano ba yan, palitan mo nga yang kanta na yan!"

"Bakit? Kanta ‘yan ng APO."

"E ano ngayon?! Basta palitan mo yan!"

At agad naman ito pinalitan ni papa. Nalipat yata sa kanta ng Cueshe. Bakit kaya iyon ang sinabi ni mama? Iyan tuloy, hindi na pinapakinggan ni papa ang kantang "Yakap sa Dilim" kapag kasama niya ang nanay ko. Hindi kaya may problema sila sa sex life?

Eww. Ayaw ko na isipin. But I guess, that’s another story.

TARA NA SA BAGO KONG BLOG!

January 21st, 2007 by aling-kamote

sa wakas. tapos na rin ang ikalawa kong blog. yehey! tuloy pa rin ang pagpost ko dito. pero baka mas madami akong ipost doon sa kabila kasi mas maganda ang features ng blogspot hehe.

yung mga gustong ilink ang blog ko sa blog nila, sige lang. yung mga gusto naman magpalink sa blog ko, pakimsg na lang po ako.

so pano, kits kits na lang dun. tara na po sa blog ko! :)

http://alingkamote.blogspot.com

TRUST O FRENZY? BAKA TROJAN.

January 19th, 2007 by aling-kamote

              biyernes, alas tres dose ng hapon sa rondstant transit center. kagagaling ko lang ng eskwela. kabababa ko lang ng bus number 9 at patungo na sa bus number 23, ang bus na maghahatid sa akin sa aking bahay.

             matapos ang ilang hakbang ay nakakita ako ng condom–sa sahig. at hindi lang isa kundi dalawa. dalawang gamit na condom sa sahig ng bus terminal. nakabilad, nakatunganga, naghihintay ng taong madudulas.

"anong ginagawa ng mga ito dito?!" tanong ko sa aking sarili.

            dali-dali kong binulatlat ang aking shoulder bag. pilit kong siniksik ang aking kamay sa masikip na espasyo nito. siksik sa harap, siksik sa likod. siksik sa gilid, siksik sa gitna. matapos kong isiksik ang aking kamay sa bawat sulok ng aking bag ay nabigo ako. nakalimutan ko pala dalhin ang aking camera.

sayang.

            pero ano nga ba ang ginagawa ng mga condom na iyon sa terminal ng bus? minsan ka lang makakakita ng "taboo" na bagay sa isang pampublikong lugar. o, "taboo" pa nga ba itong maituturing? habang tumatagal ay lalung nagiging open minded ang mga tao. pero open mindedness nga ba itong maituring o kabastusan?

            dati, takot ang mga kababaihan na makita ang kanilang sakong. ngayon, parang nagiging badge of honor na ang pagpose ng mga artista ng halos hubo’t hubat sa men’s magazines. dati, mahawakan lang ang kamay ng babae, kasalan na. ngayon, nakabuo na ng pamilya at lahat ay hindi pa rin naikakasal. dati, sa wallet lang na lalaki matatagpuan ang condom. ngayon, matatagpuan na rin ito sa sahig ng bus terminal.

putik. tumatanda na yata ako.

ANG KOLEKSYON NI MARTIN AT MILES

January 9th, 2007 by aling-kamote

181275671l         dahil sa walang humpay na pagsa-soundtrip ko sa mga kanta ng yano, dongabay, teeth, eheads at kung ano-ano pang mga OPM artists, naisipan ko na simulan ang pangongolekta ng mga OPM albums. ganito yata talaga pagmatindi ang tama ng homesickness sa iyo. ayaw mo na makarinig ng kahit anong kantang ingles. nakakasawa na magsalita sa wikang ingles kaya mananawa ka na rin pakinggan ito.

           sa halip na mag-solo ako sa pangongolekta, pumayag si martin na pagsamahin lahat ng koleksyon namin. ito na ngayon ang naipundar namin. lahat ng mga iyan ay rare OPM albums! kakasimula pa lang namin sa hobby na ito noong disyembre 2006. nagsimula muna kami sa mga lumang koleksyon niya ng eheads, rivermaya at francis m. tapos, dinagdagan ko naman ng wuds, freddie aguilar, yano at philippine violators. lahat ng iyan, binili ko sa ebay! pero yung freddie aguilar, libre na lang niya sa akin hehe.

           astig yung mga nahanap ko sa ebay. panay mga rare at out of production. yung album ng yano na "bawal", PhP500 lang ang bili namin. pero sa iba, umaabot na iyon ng PhP1000! hindi na rin masama hindi ba? yung 2 wuds na tapes, fully signed ng wuds! tapos, yung ibang tapes na nabili namin, sealed pa!

           natutuwa naman ako isipin na kahit malayo kami sa isat-isa, may mga bagay pa rin kaming nagagawa ng magkasama, halimbawa na ang pangongolekta ng OPM albums. maganda itong uri ng bonding!

           wala kaming balak buksan ang mga koleksyon namin na selayado. kahit gusto namin pakinggan ang mga iyon, mas pipiliin naming tititgan na lamang sila ng selyado. para kasi itong mga priceless na pangdisplay. kapag kasi binalatan mo ang mga ito, kalahati agad ng value ng album ang nawawala. ngayon, alam ko na tuloy ang pakitramdam ng mga action figure collectors.

MADE IN CHINA

January 9th, 2007 by aling-kamote

           masasabi kong isa sa mga dahilan kung bakit ako’y naging mahilig sa gulay ay dahil sa paniniwalang totoo si santa claus. sa tuwing hindi ko nauubos ang hinahaing gulay ni mama, binabantaan niya ako na magsusumbong ang mga duwende kay santa claus. at kapag nalaman iyon iyon ni santa, ililihis niya ang kaniyang mga reindeer sa aking bintana upang magtungo sa bintana ng ibang bata.

            consistent ako sa pagkain ng gulay kaya taon-taon, may regalo ako kay santa. pero noong ako’y nasa grade 3, nakatanggap ako ng kakaibang regalo. hindi ito laruan, hindi rin tskolate kundi isang set ng panty.

          hindi ito nakapaloob sa aking medyas. sa halip, nakalagay ito sa isang plastic bag at nakatali sa aking bintana. pagmamalaki pa ng aking ina,

"anak, tignan mo o, ibat-ibang kulay ang mga panty. may design pang mga panda! ibig sabihin niyan, nagpunta pa si santa sa china para lang ibili ka ng regalo!"

hindi ako natuwa.

          mas gusto ko sana makatanggap ng lutu-lutuan dahil may kalawang na ang mga laruan kong kaldero at pinggan. pero dahil nalaman kong imported ang mga panty, masaya kong ginamit ang mga ito para pamasok sa eskwela.

****

          sa aking paglaki, nadiskubre ko na hindi pala totoo si santa claus. binuking kasi ni lola maura ang modus operandi ni mama. kapag tulog na kaming magkapatid, bumabagongon siya sa kama upang patagong magsabit ng regalo.

          nadiskubre ko rin na ang mga panty na niregalo ni mama ay binili lang niya sa super palengke, ang paborito niyang supermarket sa antipolo. lahat halos ng binebenta doon ay made in china magmula sa tabo, laruan, gamit pang-eskwela atbp.

          nadiskubre ko rin na halos lahat pala ng bagay sa mundo ay made in china. nagulat ako dahil kahit dito sa amerika, ang mga leading footwear brands gaya ng nike, adidas, at converse ay made in china na rin. katunayan, tinignan ko ngayon ang likuran ng aking keyboad at bumulaga na naman sa akin ang tatlong salitang MADE IN CHINA.

           nilalamon na ng mga produktong tsina ang buong daigdig. nakakapangilabot. napapaligiran na nila tayong lahat. kapag pinagsama-sama mo lahat ng produktong made in china, maaaring na- outnumber na ng mga ito ang mismong populasyon ng mundo.

            nilalamon na rin ng mga made in china products ang kabuhayan ng maraming bansa kasama na ang pilipinas. mas mura kasi ang mga galing tsina kay sa sa mga lokal nating produkto. dahil nga imported, mas mura, mas competitive sa quality (at kung minsa’y smuggled pa), natatalo ang mga lokal nating investors. dahilan siguro kung bakit mas pinili ni mama ang made in china na panty kay sa sa SOEN. dahilan din kung bakit ang xin win, pei xu at kung ano-ano pang weird na brands ay talamak na binebenta sa merkado. never heard brands ang mga ito pero marami pa ring mga pinoy ang tumatangkilik ng mga ganitong produkto.

*****

           pagmamalaki ng kapitalismo ang isang sistemang  pangekonomiya  na nilalabanan ang komyunismo dahil sa pagtanggap nito sa privatization. pagmamalaki rin nito ang pagbibigay daan sa free trade. pero sa sistemang ito, mayroon pa ring maliit at malaking investors. at dahil kapital ang nagpapatakbo sa kapitalismo, palaging agrabyado ang maliliit na investors. isa na tayo doon. ito ba ang sinasabi nilang free trade?

*****

"…develepment for whom? when over a million jobs were lost. gained for whom? when families are thrown into poverty. protection for whom? when local industries cannont compete. how can we trade in an unfair trade? how can we live in a world of greed? how can we survive when people die? when money is everything and our government is a lie…" — mula sa kantang, mr. million dollar man ng agaw agimat

          

ANG LABAN NI NICOLE AY LABAN NATING LAHAT

January 9th, 2007 by aling-kamote

GONE AT THE DEAD OF NIGHT

biglaan at napakabilis ng paglipat ni smith sa US embassy. mablis pa sa pagapruba ng r-vat, pabilis pa sa pagdeklara ng state of emergency, mabilis pa sa pagsasagawa ng people’s iniative.

masaya na sana ako noong nalaman kong nag- desisyon si jugde pozon na ipakulong siya sa makati city jail. doon ko napatunayan na kahit power-driven ang ating mga korte ay may isang hukom na maglalakas loob na manindigan sa ngalan ng hustisiya. kahit na alam kong tumatanggap si smith na "special treatment" sa kulungan (dahil sa kaniyang labas pasok na dalaw kahit ang ibang preso ay pinagbabawalan nito), naisip ko na mas mabuti na iyon kay sa isuko siya sa mga kapwa kano. pero sa isang iglap,  parang magic na nailipat si smith sa US embassy.

MIND YOUR OWN BUSSINESS

ang hatol kay smith ay desisyon ng hukuman, at hindi ng malacanang. ang hatol kay smith ay desisyon ng batas at hindi ni gloria arroyo. kung ganoon, anong karapatan ni gma para isuko sa america ang isang may salang hintulan na ng batas? kahit sa anong anggulo mo pa tignan, hindi maaring maging isa ang batas at si gloria.

sabi nga ni jeff, ang liit-liit niya pero ang tingin niya sa sarili niya ay mataas pa sa batas.

nakakalungkot isipin na si gloria na mahigpit na nagpapatupad ng batas ang siya rin palang sisira nito. hindi lang pala si smith ang rapist, pati si arroyo. tahasan niyang pinagahasa ang konstitusyon at dignidad ng mga pilipino sa mga kano.  dapat siyang makulong hindi sa malacanang kundi sa muntinlupa.

maaaring nasa US embassy nga si smith, pero ano ang katiyakan ni juan dela cruz na anak ni uncle sam ay naroon pa at hindi bumalik sa amerika? wala, wala siyang katiyakan dahil ang pobreng si juan dela cruz ay walang karapatan upang tiyakin kung nasa US embassy nga siya. samantalang ang mga bantay at lawyer ni smith ay lantarang lumalabas pasok sa preso kahit na labag ito sa patakaran ng makati city jail.

LULI AT NICOLE

mabilis pa sa alas kwatro ang pagsuspindi kay edgar padlan, isang NAIA immigration officer nang dahil sa reklamo ni luli. balita kasing pinasingit ni padlan ang isang poreyner sa pila. nakailang interview din si luli sa tv, napanood ko pa nga iyon sa 24 oras. well publicized ang ginawang niyang ito. pagmamalaki pa ng malacanang, wala daw kinalaman ang pagiging presidential daughter niya sa pagsususpindi kay padlan.

pero, kung nagkataong si luli ay anak ng tindera ng suka, may maniniwala kaya sa reklamo niya?

kung nagkataon si luli ang sangkot sa subic rape case at hindi si nicole, magagawa kaya ng kaniyang ina na isuko sa US embassy ang gumahasa sa kaniyang anak?

HUSTISYA AT DIGNIDAD

binago ng subic rape case ang buhay ni nicole, binago rin nito ang kasaysayang ng pilipinas. magiging tatak na sa ating kasaysayan ang garapalang pagsasabotahe ni arroyo sa ating batas, at ang kaniyang higit na pagpabor sa mga kano kay sa sa mga pilipino.

mawala man ang lahat sa atin, pera, trabaho, likas-yaman, o kung ano pa man, sana ay huwag natin hayaan mawala ang hustisya at dignidad sa ating bansa. mabaon man tayo sa utang, magkanda kuba-kuba man si juan dela cruz pa pagtrarabaho, sana’y taas noo pa rin niyang maipagmamalaki ang kaniyang sarili. dahil kahit mahirap siya, kailanma’y hindi siya magiging tuta ni uncle sam dahil siya ay may paninindigan.

tutulan natin ang pagsasabotahe ni arroyo sa ating batas at dignidad. ibalik si smith sa makati city jail! sapat na, na tuta si arroyo ng america. huwag na tayong makidagdag. ipaglaban natin ang hustisya at dignindad sa bansa. ang laban ni nicole ay laban nating lahat!

REBYU SA KANTANG ASKAL NG YANO

January 9th, 2007 by aling-kamote

narinig mo na ba ang kantang askal ng yano? gustong-gusto ko ang kantang ito. naaalala ko kasi ang mga kotong cops na tinakasan ng tatay ko. tungkol ang kantang ito sa isang pulis na pinoportray  bilang isang sigang maton. pinapakita din dito kung gaano siya kasipag sa kaniyang trabaho–ang pangongotong. taon-taon ay nakatambay siya sa kanto, at kahit bumabagyo na ay tuloy pa rin ang kaniyang pangongotong.

sa isang bahagi ng kanta, ginawa namang metaphor ang askal (asong kalye) sa kotong cops. sabi nga sa kanta, "asong kalye na nagkakape–nagkakapera."  dito sa bahaging ito ng kanta lamang ako nalungkot. nakakalungkot dahil ang mga pobreng aso sa kalye ( na kung minsa’y sinisipa pa ng mga istambay at ginagawa pulutan) ay naihahambing sa mga walang-pusong pulis.

*****

magmula pa pagkabata, mahilig na ako sa aso. sila rufa, mojacko, whitey, blackey, browny I, browny II, lulu, mimi, morgan, sabella, tiger, darna, mumay at puti ay ilan lamang sa mga naalagaan ko. lahat sila ay askal.

pero lahat sila ay may puso. lahat sila ay naging tapat sa aking pamilya. paluin ko man sila ng tsinelas sa tuwing sinisira nila ang mga halaman ay hindi sila nagkikimkim ng galit. masigasig silang nagbabantay ng bahay. kahit palaka tinatahulan nila. lahat ng ito ay ginagawa nila ng walang hinihinging kapalit. kaya kung tutuusin, mas tao pa ngang maituturing ang mga askal kay sa sa mga kontong cops.

ikalawa, may mga  kotong cops na ginagamit ang kanilang posisyon para makalibre sa mga karinderya, pampasaherong sasakyan at beer house. kung minsa’y kinukunsinti pa nila ang traffic violations ng mga matataas na opisyal. sila ang masasabi kong  tunay na salot sa lipunan.

kawawang mga asong kalye. ano ba ang kanilang kasalanan upang maihambing sa mga salot sa lipunan? sila pa nga minsan ang naaagrabyado–inaabandona, binabato, sinisipa, pagkatapos ay kakatayin. asong kalye nga silang maituturing dahil tahanan na nila ang kalye. pero ganoon pa man,  minsan ay may kapabayaan din ang tao sa pagaalaga sa kanila.

hindi man natin maibigay ang lahat sa mga askal, karapatdapat pa rin natin sila bigyang respeto at pagmamahal. marami tayong benepisyo na nakukuha sa kanila. they give us joy and unconditional love. they even save people’s lives. huwag naman sana natin sila ikumpara sa mga imoral tao gaya ng mga kotong cops dahil wala naman tayong benepisyo na nakukuha sa kanila.

maaring may ibang interpretasyon si dong abay sa kantang ito. maaring mali ako pero ito ay isa lamang personal na interpretasyon. ganoon pa man, ako ay isa pa ring solid na yano, pan, at dongabay fan.

December 31st, 2006 by aling-kamote

HAPPY NEW YEAR MILES…

or is it?

Litratalk_2